Tindera binaril habang naka-livestream!

Sumbungera sa pambababae ng ex ng amo
MANILA, Philippines — Isang 23-anyos na babae ang malubhang nasugatan matapos barilin nang malapitan sa ulo ng lalaking dating live-in partner ng kanyang amo, habang nagbabantay ang biktima sa tindahan ng gulay sa Taytay, Rizal, noong Biyernes ng gabi.
Patuloy pang ginagamot sa Pasig Center General Hospital ang biktimang si alyas “Paloma”, may live-in partner, residente ng Lupang Arenda.
Arestado naman ang suspek na si alyas “Freddie”, 31-anyos, residente ng Angono, Rizal.
Sa ulat ng Taytay Municipal Police Station, alas-7:30 ng gabi ng Enero 16, nang maganap ang pamamaril sa Purok 4 Kenneth Road, Barangay Sta. Ana, Taytay.
Makikita sa mismong livestream video ng biktima na habang abala siya sa tindahan ay may isang lalaki na nakasuot ng sumbrero ang lumapit sa likuran at malapitang pinaputukan siya sa ulo.
Bumagsak ang biktima na duguan at tumakas ang suspek na naglakad lang sa direksyon ng Purok 4 , Lupang Arenda, patungo sa secondary road, kung saan diumano ay may naghihintay na lalaking naka-motorsiklo.
Nahirapan namang makakuha ng masasakyan ang mga sumaklolo para dalhin sa pagamutan ang biktima dahil umano sa takot na lumapit kasunod ng pamamaril.
Alas-9:30 nang ireport sa pulisya ang insidente na agad nagkasa ng hot pursuit operation at natunton nitong Sabado ng umaga ang suspek sa kanyang tirahan sa Angono, Rizal.
Gayunman, mariing pinabulaanan ng suspek ang mga alegasyon laban sa kaniya at sinabing itinuring niyang anak ang biktima. Ikinatwiran nito na naroon lang siya sa Angono at hindi na nagpupunta sa Taytay.
Sinabi ng pulisya na ang suspek ay dating kinakasama ng may-ari ng tindahan ng gulay at tuluyang naghiwalay at naghatian sa property dahil umano sa pambababae ng suspek. Lumalabas na ang biktima ang tagasumbong umano sa amo hinggil sa mga nagiging relasyon ng suspek sa ibang babae.
Ang biktima na ang umano’y pinagkatiwalaang mamahala ng tindahan habang hiwalay na sa suspek ang amo.
“Ang motibo nito ay parang inggit at galit na rin. Base sa impormasyon ng dating kinakasama, nagkaroon ang suspek ng mga relasyon kung saan itong biktima ang taga-sumbong sa ate niya,” ayon sa naging pahayag ni Police Lt. Marlon Maiso, Chief Investigation Section ng Taytay MPS.
Kasong frustrated murder ang posibleng kaharapin ng suspek habang ang biktima ay nagtamo ng sugat sa batok mula sa bala ng kalbre .45, na daplis lang.
- Latest





















