Babaeng big-time pusher arestado sa P370K shabu
Cavite, Philippines — Nalambat ng pulisya ang isang babaeng bigtime drug pusher sa lungsod ng Dasmariñas at kasama sa High Value Individual list (HVI) sa inilatag na buy-bust operation ng Dasmariñas City Police kamakalawa sa Dasmariñas City.
Kinilala ni Police Lt. Col. Regino Oñate, hepe ng pulisya sa lungsod na ito ang suspek sa alyas “Sha”, nasa hustong gulang, residente ng nasabing lungsod, at nasa HVI list ng pulisya.
Isinagawa ang operasyon ng mga operatiba ng Dasmariñas CCPS kasama ang koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kung saan narekober mula sa suspek ang tatlong selyadong transparent plastic sachet na naglalaman ng 55 gramog shabu na aabot sa halagang P374,000, isang timbangan, itim na pouch, at buy-bust money na ginamit sa operasyon.
Ang buy-bust ay isinagawa gamit ang Alternative Recording Device (ARD) bilang pagsunod sa itinakdang operational protocols.
Dinala sa Provincial Forensic Unit sa Imus City ang mga nakumpiskang ebidensya sa suspek para sa kaukulang laboratory examination. Habang nahaharap sa mga kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang nasabing suspek.
- Latest






















