37 katao sugatan sa paputok sa Negros

MANILA, Philippines — Tatlumpu’t pito katao ang nasugatan sa paputok hanggang nitong Disyembre 30 o isang araw bago ang pagpapalit ng taon, ayon sa ulat nitong Miyerkules.
Sa report na nakarating sa Office of Civil Defense (OCD), mula sa DOH-Negros Island Region Center for Health Development, ang nasabing bilang ay naitala simula nitong selebrasyon ng kapaskuhan hanggang nitong Martes ng umaga.
Kabilang dito ay 23 kaso sa Negros Occidental na sinusundan naman ng Negros Oriental sa naitalang 13 nasugatan habang wala namang kasong nairekord sa lalawigan ng Siquijor.
Ayon sa DOH-Negros Island Region (DOH-NIR) karamihan sa mga biktima ay 18-anyos pababa na ang pinakabata ay isang 5-anyos na paslit.
Ang mga biktima ay nasugatan sa kwitis, triangle, boga, lantaka, sky rocket, five star, candle bomb, sparkler, whistle bomb at iba pang uri ng paputok.
Kaugnay nito, pinayuhan ng mga lokal na opisyal ang mga residente na iwasan ang pagpapaputok ng mga ipinagbabawal na firecrackers at iba pang uri ng pyrotechnics kung saan mas makabubuti aniya na gumamit na lamang ng torotot, pito at drums para sa ligtas na selebrasyon sa pagsalubong sa Bagong Taon.
- Latest

























