Guro natagpuang patay sa boarding house

MANILA, Philippines — Isang public school teacher ang natagpuang patay sa loob ng kanyang boarding house sa Brgy. Villasis, Santiago City, Isabela nitong Martes.
Kinilala ang biktima sa pangalan lamang nitong Jhanmar, 31 taong gulang na nanunuluyan sa nasabing boarding house.
Sa ulat ng Santiago City Police, nadiskubre ang bangkay ng biktima matapos na magtungo sa boarding house ang isang babaeng boarder upang ihatid ang mga damit ng biktima na kanyang ipina-laundry.
Ayon sa imbestigasyon, kinakatok ng babaeng boarder ang kuwarto ng nasabing guro pero walang sumasagot kaya pumasok na siya sa loob at dito na nadiskubre na hindi na gumagalaw ang guro.
Ang biktima ay nakasalampak sa sahig kung saan agad na humingi ng saklolo ang nasabing boarder.
Nagresponde ang mga operatiba ng pulisya at nagsagawa ng imbestigasyon sa silid ng guro.
Samantala, walang nakitang foul play ang mga awtoridad sa pagkasawi ng guro habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
- Latest















