2 katao pinagbabaril sa road rage
MANILA, Philippines — Dalawa katao ang nasugatan kabilang ang isang menor-de-edad matapos na mauwi sa pamamaril ang alitan sa trapiko sa bayan ng Naujan, Oriental Mindoro noong Martes, ayon sa ulat kahapon.
Sa report ni P/Col. Edison Revita, hepe ng Oriental Mindoro Police Provincial Office (PPO) dakong alas-9:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa kahabaan ng national highway sa Brgy. Pinagsabangan, Naujan, Oriental Mindoro.
Ayon sa imbestigasyon ang mga biktima ay lulan ng kulay pulang Suzuki Alto car nang makagitgitan ito ng isang Isuzu D-Max pick-up truck.
Nag-signal ang driver ng kotse na pinatunog ang busina ng sasakyan pero nag-overtake pa rin dito ang driver ng pick-up truck.
Hindi pa nakuntento ay bumunot pa ng baril ang driver ng pick-up truck na pinaputukan ng sunud-sunod ang behikulo ng mga biktima.
Mabilis na tumakas ang driver ng pick-up habang isinugod naman sa pagamutan ang mga nasugatang biktima at masuwerte namang hindi tinamaan ng bala ang isa pa ng mga itong kasama na nasa likod ng driver’s seat.
Pinaghahanap na ang tumakas na driver ng pick-up.
- Latest






















