5 pumalag sa aresto, todas sa shootout!

MANILA, Philippines — Patay ang limang pinaghihinalaang drug personalities kabilang ang isang commander ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang napaslang nang manlaban habang sinisilbihan ng warrant of arrest ng mga awtoridad sa isang liblib na lugar sa bayan ng Kabacan sa Cotabato nitong Martes.
Sa report ni P/Lt. Col. April Loue Palma, hepe ng Kabacan Municipal Police Station, kasalukuyang nagsisilbi ng warrant of arrests ang pinagsanib na mga elemento ng pulisya at mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Brgy. Lower Paatan, Kabacan nang mauwi ito sa shootout sa pagitan ng magkabilang panig.
Ayon kay Palma, agad na nagpaputok ng baril ang mga suspect laban sa mga awtoridad habang papasok pa lamang sa lugar na nagbunsod ng palitan ng putok matapos na tumanggi ang mga itong sumuko.
Target ng operasyon ang walong wanted na drug personalities.
Kabilang sa target ng warrant of arrest ay si Ibrahim Macalnas alyas “Kumander Bigkog” na umano’y aktibong area commander ng MILF; mga kasamang sina Ismael Luncayao, Datukan Macalnas habang inaalam ang pagkakakilanlan ng dalawa pang napaslang.
Ang lima ay agad binawian ng buhay sa nasabing shootout.
Isa naman ang nasakote sa pagsalakay na kinilalang si Monera Macalnas na nakumpiskahan ng ilang plastic sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P20,000 habang tatlo pa sa mga tauhan ni Commander Bigkog ang nagawang makatakas sa ilang minutong palitan ng putok.
Narekober naman sa pinangyarihan ng bakbakan ang isang granda, sari-saring mga armas at mga bala.
Ayon sa opisyal, si Luncayao ay pangunahing suspect sa pagpatay sa isang pandesal vendor na hinihinalang espisya ng militar sa Brgy. Poblacion, Kabacan noong nakalipas na buwan.
Kaugnay nito, isinailalim sa red alert status ang pulisya sa nasabing bayan kaugnay ng posibleng resbak sa mga awtoridad ng napaslang ng grupo ni Commander Bingcog.
- Latest
















