Babae ayaw makipagbalikan, kinatay ng ex-bf!

Ipinagpalit sa mas pogi
MANILA, Philippines — Dahil sa matinding selos, pinagmamartilyo sa ulo at pinagsasaksak hanggang sa mamatay ang isang 24-anyos na babae ng ex-boyfriend nang malamang tuluyan na siya nitong ipinagpalit sa mas “pogi” sa Brgy. Carreta, Cebu City, kamakalawa.
Kinilala ang biktima na si Percy Paculaba, 24-anyos, residente ng nasabing lugar, na dead-on-the-spot sa tinamong matitinding pukpok ng martilyo at mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Nahaharap naman sa kasong kriminal ang suspect na si Christian Labarez na agad naaresto ng mga nagrespondeng pulis.
Sa ulat ng Cebu City Police, dumating sa tinitirhan ng biktima ang dating kasintahan na may dala pang bulaklak at sinuyo siya upang makipagbalikan dahil ika-9 buwang anibersaryo na umano ng kanilang relasyon. Gayunman, tumanggi ang babae at kinuha ang dala nitong bulaklak saka inihampas nito sa may pintuan saka itinapon.
Bunsod nito, nagkaroon ng komprontasyon ang dating magkasintahan kung saan pilit na ipinagtatabuyan ng babae ang dating nobyo pero pumasok ang huli sa loob ng bahay.
Dito na sinabi ng nasabing biktima sa suspect na wala na siyang babalikang relasyon dahilan ipinagpalit na niya ito sa iba na mas pogi.
Sa puntong ito ay nagdilim ang isip ng suspect na pinagpupukpok ng martilyo sa ulo ang biktima na hindi pa nakuntento ay pinagsasaksak pa na duguang humandusay.
Matapos ang krimen, tumakas ang suspect pero sumuko rin dakong alas-9 ng umaga sa kapitbahay nitong pulis sa lungsod ng Mandaue.
- Latest



















