Barangay patrol vehicle vs van: 2 utas, 14 sugatan
MANILA, Philippines — Namatay noon din ang dalawang katao habang 14-katao nasugatan matapos magbanggaan ang isang barangay patrol vehicle at L300 Van sa kahabaan ng national highway ng Purok-1, Brgy.Masalongsalong, Mercedes, Camarines Norte kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang nasawi na sina Ed, 55-anyos, negosyante, residente ng Purok-1, Brgy.San Isidro, Talisay na pasahero ng L300 van; at Eleo, 45-anyos, barangay tanod, residente ng Purok-5, Brgy.Colasi, Mercedes, pasahero ng patrol vehicle.
Ang 14 pasahero sa magkabilang sasakyan ang nasugatan at matapos na mabigyan ng lunas ay pinauwi rin ang ilang sa kanila dahil sa minor injuries ang natamo.
Sa ulat, dakong alas-5:10 ng hapon ay magkasalubong na binabagtas ang kahabaan ng highway ng Mitsubishi L300 Van na may plakang AOA-6184 na minamaneho ni RJ, 26-anyos, sakay ang negosyanteng si Ed at isa pang pasahero.
Pagdating sa lugar ay aksidenteng makabanggaan nila ang Suzuki Patrol Vehicle ng Brgy.Colasi na minamaneho ni Jay, 34-anyos, residente at brgy.treasurer ng naturang barangay lulan si Eleo at ang 13-tanod at kagawad ng kanilang barangay na galing sa isang pulong sa bayan ng Basud.
Sa lakas nang banggaan ay parehong nawasak at parang pinitpit na lata ang dalawang sasakyan lalo na ang patrol vehicle.
Mabilis na rumesponde ang mga kasapi ng MDRRMO-Mercedes at mga pulis at inalis sa pagkakaipit ang mga biktima.
- Latest
















