BARMM health minister ginamit sa pekeng ads

COTABATO CITY, Philippines — Nagbabala sa publiko nitong Miyerkules ang health minister ng Bangsamoro region na huwag bumili ng health supplement na “Ginkgo Biloba gummies” sa isang pekeng video advertisement na kumakalat ngayon sa Mindanao.
Nilinaw ng physician-ophthalmologist na si Kadil Sinolinding, Jr., tumatayo ring minister ng Ministry of Health-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, na galing sa isang post sa kanilang official Facebook news page ang kanyang video na nagsasalita sa isang conference na kinuha ng kung sino at ginawan ng voice over na kunwari ay hinihikayat niya ang publiko na bumili ng Ginkgo Biloba gummies mula sa isang kumpanya na walang records sa Food and Drug Administration (FDA) ng pamahalaan.
Bunsod nito, nanawagan sina Sinolinding at BARMM Chief Minister Abdulrauf Macacua sa mga cybercrime units ng Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan kung sino ang mga nasa likod ng paggawa ng naturang pekeng product endorsement video upang masampahan ng kaukulang mga kaso.
Ayon kay Sinolinding hindi sya nag-eendorso ng kahit anong health supplement o mga gamot mula pa noong siya ay naging isang licensed doctor of medicine, mahigit tatlong dekada na.
Ilang managers at reporters sa Bangsamoro region na sumusuporta sa mga health programs ng MoH-BARMM para sa mga mahihirap na Muslim, Christian at indigenous non-Moro communities, ang tumutulong na sa pagpapakalat ng babala hinggil sa naturang pekeng product advertisement video.
- Latest




















