Call center agent bumangga sa kotse, dedo
MANILA, Philippines — Patay ang isang call center agent nang makabanggaan ang isang kotse matapos madulas umano ang minamanehong motorsiklo at napadpad sa kasalubong na linya, sa Baras, Rizal nitong Huwebes.
Idineklarang patay si alyas “Jerwil”, 24, residente ng Sta. Barbara, San Mateo, Rizal, sa Assumption Hospital bunsod ng pinsala na tinamo sa ulo at katawan.
Iniimbestigahan naman ang driver ng kotse na si alyas “Roldan”, 43, ng Baras, Rizal para sa kaukulang aksyon.
Sa ulat ng Baras Municipal Police Station, dakong alas-9:10 ng gabi nang iulat ang naganap na pangyayari sa Marilaque Highway, sa Brgy. Pinugay, Baras. Magkasalubong ang binabagtas na linya ng dalawang sasakyang sangkot, nang biglang madulas umano ang motorsiklo, at nang mapadpad sa kabilang linya ay sumalpok sa kotse, dahilan ng kanyang pagtilapon.
Sugatan ang ulo at katawan ng biktima na isinugod sa pagamutan subalit hindi na naisalba pa ang kanyang buhay habang nilalapatan ng lunas.
- Latest





















