‘Basag Kotse’ umatake muli sa Subic Bay Freeport
OLONGAPO CITY, Philippines — Tatlong magkakasunod na insidente na ng “basag kotse” ang napaulat sa Subic Bay Freeport Zone ngayong buwan ng Nobyembre ng kasalukuyang taon.
Ang pinakabagong biktima ng Basag Kotse Gang ay isang residente ng Binictican na si alyas “Sammy”, na naganap ang insidente bandang alas-10:04 ng umaga kamakalawa sa Manila Avenue, Canal Road.
Binasag ng suspek ang likurang windshield ng kanyang sasakyan at agad na ninakaw ang gym bag na nasa trunk na naglalaman ng mga credit at debit card na kaagad niya na napa-blocked at ipinagbigay alam ang insidente sa mga otoridad.
Matatandaang magkasunod na umatake ang mga hindi pa nakikilalang suspek at bumiktima ng mga high end na sasakyan na nakaparada sa mga hindi mataong lugar.
Binasag ng mga kawatan ang salamin ng Ford Everest gamit ang isang malaking tipak ng bato habang nakaparada sa coffee shop at tinangay ang isang bag na naglalaman ng pera, alahas at iba’t ibang personal na gamit kabilang ang mga IDs.
Isa pang doktora ang nag-post sa kanyang Facebook account noong Nov. 19 at sinabing alas-8 ng gabi ay binasag ang salamin ng kanyang sasakyan at tinangay ang ilang mahahalagang dokumento at gamit nito.
Dahil sa magkakasunod na insidente, naalarma ang pamunuan ng SBMA na nakatakdang maglabas ng kanilang pahayag at aksyon.
- Latest
















