Magkaibigan niratrat ng kapitbahay, todas

CANDELARIA, Quezon, Philippines — Hindi na nakauwi sa kanilang bahay ang isang magkaibigan na sakay ng motorsiklo makaraang pagbabarilin hanggang sa mamatay ng kanilang kapitbahay sa Sitio Siitan, Barangay San Isidro sa bayang ito, kamakalawa ng tanghali.
Ang mga biktima na nagtamo ng mga tama ng bala ng armalite rifle sa ulo at iba’t ibang parte ng katawan ay kinilalang sina Vince, 22 at Roy, 35.
Tumakas naman ang suspek na si alyas “Jon”, binata, residente sa nasabing lugar.
Batay sa imbestigasyon, bandang alas-11:20 ng tanghali ay sakay ng isang Yamaha Sniper motorcycle ang mga biktima at binabagtas ang barangay road patungo sa kanilang bahay nang harangin ng suspek.
Walang sabi-sabi umanong niratrat ng suspek ang mga biktima saka naglakad lamang na tumakas.
Tinutugis na ngayon ng pulisya ang salarin upang papanagutin sa krimen at inaalam pa ang motibo sa krimen.
- Latest





















