P133 milyong cocaine nasabat sa Palawan

MANILA, Philippines — Nasabat ng Philippine National Police (PNP) ang nasa higit P133 milyong halaga ng cocaine sa baybayin ng Linapacan, Palawan nitong Martes.
Sa report na tinanggap ni PNP Acting Chief PLtGen. Jose Melencio Nartatez, dakong alas-6:00 ng gabi nang respondehan ng pinagsamang operatiba ng Linapacan Municipal Police Station, Provincial Police Drug Enforcement Unit, at Provincial Intelligence Unit ang tawag mula sa isang residente ng Brgy. Maroyog-royog, Linapacan, Palawan.
Lumiilitaw sa report na isang “Benjo” ang nakadiskubre ng mga pakete na pinaniniwalaang naglalaman ng ilegal na droga sa baybaying bahagi ng Sitio Calelenday.
Doon, natagpuan ng mga pulis ang ilang kahong balot ng itim na tape at may markang “STONE,” na nakakalat sa dalampasigan.
Naglalaman ang mga ito ng hinihinalang cocaine na may tinatayang timbang na 25,210 gramo at may halagang P133,613,000.00.
Ang mga narekober ay nasa kustodiya na ng Palawan Provincial Forensic Unit at nakatakdang i-sumite sa PDEA Palawan Office para sa wastong proseso at disposisyon.
- Latest





















