10 pang Dawlah at BIFF terrorists sumuko

COTABATO CITY, Philippines — Karagdagang 10 pang miyembro ng dalawang nabuwag na teroristang grupo sa Central Mindanao na responsable sa mga madugong pambobomba sa rehiyon mula 2014 ang sumuko sa militar sa headquarters ng 90th Infantry Battalion sa Barangay Kabingi, Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur nitong Lunes ng umaga.
Ipinakustodiya muna ng 10 miyembro ng magkaalyadong Dawlah Islamiya at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang kanilang mga combat rifles, grenade launchers at mga improvised explosive devices sa commanding officer ng 90th IB na si Lt. Col. Loqui Marco, at kay Brig. Gen. Edgar Catu ng 601st Infantry Brigade bago sila nanumpa na igagalang na ang pamahalaan sa harap ni Datu Saudi Mayor Bassir Utto at ilan pang local officials.
Sa pahayag ni Major Gen. Jose Vladimir Cagara, commander ng 6th Infantry Division, sumuko sa pamahalaan ang 10 na terorista sa magkatuwang na pakiusap ng mga officials ng 6th ID sa pamumuno nina Catu at Marco, mga Muslim religious sa Maguindanao de Sur, at ni Mayor Utto na tumatayo ring chairperson ng multi-sector Datu Saudi Ampatuan Municipal Peace and Order Council.
Tatlo sa 10 sumukong terorista na sina Madsid Salik Mantas, Omar Paming Said at Munir Bantuas Makud ay mga bihasa sa paggawa ng mga IED na maaaring pasabugin sa malayo gamit ang mobile phone.
Ayon sa dalawang lider ng grupo na sina Abusama Kanot Ibra at Mursid Abdullah Guinaid, pumayag silang lumantad at sumuko nang kanilang makumpirma na ang kanilang mga kasamang naunang nagbalik-loob sa pamahalaan ay naibalik na sa kani-kanilang mga bayan at namumuhay na ng tahimik sa tulong ng local government units sa Maguindanao del Sur, ng Bangsamoro government, mga line agencies sa Region 12 at ng 6th ID.
- Latest

















