Misis patay, mister at 3 anak grabe sa karambola ng 7 sasakyan

MANILA, Philippines — Patay ang isang ina habang sugatan ang mister nito at tatlong anak matapos suwagin ng isang self-loader truck ang anim na behikulo sa karambola ng sasakyan sa kahabaan ng national road, Brgy. Nagsabaran, Diadi, Nueva Vizcaya, ayon sa ulat ng pulisya kahapon.
Sa report ni P/Captain Daryl Marquez, hepe ng Diadi Municipal Police Station, pitong behikulo ang nagkarambola na kinabibilangan ng isang truck, utility van, sports utility vehicle, improvised na tricycle, isang tricycle, isang L 300 van at isang self-loader truck na may kargang forklift sa nasabing lugar.
Bandang alas-2 ng hapon nitong Biyernes nang mangyari ang insidente, nang suwagin ng self-loader truck ang naturang mga behikulo sa national road ng naturang Barangay. Hindi naman binanggit ng opisyal ang pangalan ng mga biktima.
Ayon sa imbestigasyon, ang anim na behikulo ay patungo sa katimugang bahagi sa bayan ng Balabag nang masiraan umano ng makina ang self-loader truck kung saan ay nawalan ng kontrol sa manibela ang driver kaya’t inararo ang naturang mga sasakyan.
Sinabi ng driver na tinangka niyang iwasan ang anim na behikulo pero hindi niya napigilan ang manibela kung saan ay tuluy-tuloy nitong sinalpok ang naturang mga sasakyan kabilang ang improvised tricycle na sinasakyan ng nasawing ginang at ng kaniyang pamilya.
Ang ginang ay idineklarang dead-on- arrival sa pagamutan, nasa kritikal namang kondisyon ang anak nitong lalaki habang patuloy na isinasalba ang buhay ng kaniyang asawa at dalawa pang anak.
Nahaharap ngayon sa kasong reckless imprudence resulting to homicide and multiple physical injuries at damage to property ang driver ng nasabing self-loader truck.
- Latest






















