Shabu lab sa Rizal ni-raid ng PDEA, 1 huli
MANILA, Philippines — Nakatakas ang isang Korean-American at kasabwat nito habang naaresto naman ang kanilang caretaker nang salakayin ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang shabu laboratory sa Antipolo City, Rizal kahapon ng madaling araw.
Bandang alas-2 ng madaling araw nang salakayin ng pinagsanib na mga operatiba ng PDEA-Regional Office 4A Special Enforcement Team 1 at 2, PDEA Rizal Provincial at Rizal, Provincial Intelligence Team ang shabu laboratory sa Sitio Pinyahan, Brgy. San Jose, Antipolo City.
Nadakip ang caretaker na nakilalang si alias “Joel” habang nakatakas naman ang Korean-American na si Choi Minsoo alias “Jazz” at ang kasabwat na si “Pai”.
Nasamsam sa operasyon ang mahigit-kumulang sa 300 grams ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P900,000.00, 3-plastic bottles na naglalaman ng liquid substance na hinihinalang sangkap ng shabu, iba’t ibang drug paraphernalia, equipment at buy-bust money.
Inihahanda na ang mga kasong paglabag sa Section 5, na may kaugnayan sa Section 26 paragraph B (Conspiracy to Sell Dangerous Drugs), Section 8 (Manufacture of Dangerous Drugs CPECs), Section 10 (Manufacture or Delivery of Equipment, Instruments, Apparatus and other paraphernalia for Dangerous Drugs and for CPECs), at Section 11 (Possession of Dangerous Drugs).
- Latest


















