2 SHS student nilamon ng falls sa Rizal

MANILA, Philippines — Nagsasagawa ng search and rescue operations ang Antipolo City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) para sa dalawang senior high school matapos lamunin ng falls o talon nang magawi sa malalim na bahagi habang nagsu-swimming sa Antipolo City, Rizal nitong Huwebes ng hapon.
Sa ulat ng Antipolo Component City Police Station, ang mga biktima ay kinilalang sina alyas “Christian”, 21, residente ng Cainta, Rizal; at “Andy”, 17-anyos, kapwa Grade 12 ng Antipolo City Senior High School.
Sa ulat, dakong alas-2:14 ng hapon ng Nobyembre 13, 2025 nang maganap ang insidente sa Sitio Upper Tulakin, Barangay Bagong Nayon, Antipolo City.
Sa imbestigasyon, katatapos lamang maglaro ng basketball sa helipad area ang magkakaklase nang maisipan nilang maligo sa kalapit na falls para mag-relax.
Habang nagsasaya sa paliligo, ang dalawang biktima ay napadpad sa malalim na bahagi ng talon na malakas umano ang current at hindi na lumutang na pinaniniwalaang inanod sa malayong bahagi.
Ilan sa mga kaklase ang nagtangkang sagipin ang dalawa subalit sa kawalan ng pag-asa ay humingi na sila ng tulong sa pulisya at barangay na agad namang ipinabatid sa City Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) na nagkasa na ng search and rescue operation.
- Latest





















