Graduating student pinatay ng senglot

MANILA, Philippines — Isang graduating student ng University of Abra ang nasawi matapos mapagtripang barilin ng isang lasing na lalaki habang ito ay lumabas ng boarding house malapit sa kapitolyo ng Bangued, Abra, ayon sa ulat kahapon.
Kinilala ang nasawing biktima na si Larry Bautista Jr., tubong Pangasinan at nanunuluyan sa Zone 7, Bangued habang nakilala naman ang suspect na si Erwin Buging na nahaharap sa kasong homicide.
Sa ulat ng Abra Provincial Police Office (PPO),nangyari ang insidente sa nasabing lugar may dalawang araw na ang nakalilipas habang ang suspect at mga kaibigan nito ay nag-iinuman malapit sa boarding house ng nasabing estudyante.
Sa gitna ng isang masayang inuman ay nagyabang umano ang suspect na may dalang baril na inilabas nito at ikinasa kung saan nagkataon namang lumabas ng boarding house ang estudyante.
Sa sobrang kayabangan ay inasinta ng suspect ang nasabing estudyante na pinaputukan nito ng ilang beses hanggang sa duguan itong bumulagta.
Ang biktima ay unang isinugod sa isang ospital sa Abra bago inilipat sa pagamutan naman sa Ilocos Sur pero nabigo ng maisalba ang buhay nito.
Sa presinto, ikinatwiran ng suspect na lasing umano siya at hindi niya alam na nabaril niya ang nasabing estudyante na napuruhan na siya nitong ikinamatay.
Nabatid na ang biktima ay isang working student na sinusuportahan ang kaniyang pag-aaral sa pamamagitan ng videography at photography na nakahiligan nito. Nanawagan naman ng hustisya ang pamilya ng biktima sa sinapit nito sa kamay ng pasaway na lasing.
- Latest
















