Negosyante sa Bacolod City, itinumba

MANILA, Philippines — Patay ang isang 54-anyos na negosyante matapos pagbabarilin ng hindi pa nakilalang salarin sa Brgy. 23, Bacolod City, Negros Occidental nitong Sabado ng gabi.
Kinilala ang nasawing biktima sa palayaw lamang nitong “Mick”, may negosyong car rental at residente ng Brgy. Estefania ng lungsod.
Sa report ng Bacolod City Police, ang biktima ay nakita ng ilang testigo na kausap pa ang suspect at nagtatalo.
Ilang saglit pa, biglang bumunot ng baril ang suspect at pinagbabaril ang biktima na bumulagta sa lugar.
Mabilis na tumakas ang suspek na lulan ng isang kotse makaraang samantalahin ang pagkakagulo sa paligid.
Nagawa pang maisugod sa pagamutan ang negosyante pero idineklara nang dead-on-arrival sa tinamong mga tama ng bala ng cal 9mm pistol.
Sa teorya ng mga awtoridad, alitan sa negosyo ang sinisilip na motibo ng krimen.
- Latest















