Kabahayan ng mga katutubong Dumagat na-wipeout ni ‘Uwan’
LUCENA CITY, Philippines — Matinding pinsala ang iniwan ng daluyong na dala ng bagyong Uwan sa komunidad ng mga katutubong Dumagat matapos na i-wipeout nito ang mga kabahayan sa Sitio Asan, Barangay Bonifacio, Burdeos, Quezon.
Ayon kay Quezon Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) Dr. Melchor Avenilla, nilagas ng malalaking alon ang mga bahay ng mga katutubo sa lugar at tuluyang nawasak at inanod ng tubig-dagat.
Hindi rin nakaligtas ang mga kalsada at sea wall sa Sitio White Beach. Winasak ng malalakas na alon ang mga konkretong daan at pader sa dagat dahilan upang hindi na madaanan ang ruta patungo sa iba pang barangay.
Ang mga pathway at sea wall ay nagkapira-piraso dahil sa lakas ng hampas ng alon. Maging ang community formation center ng barangay na malapit sa dalampasigan ay nasira, habang nawasak din ang kanilang service boat na ginagamit sa pang-araw-araw na kabuhayan.
Sa kabila ng pinsala, walang naiulat na nasaktan o nasawi habang nagpapatuloy ang assessment at clearing operations ng lokal na pamahalaan sa naturang apektadong lugar.
- Latest






















