Lalaking adik, tinangkang itumba ng naka-face mask

MANILA, Philippines — Ligtas sa kamatayan ang isang 32-anyos na aminadong katatapos lang mag-shabu nang barilin ng ilang beses ng hindi pa tukoy na salarin, sa Antipolo City, nitong Sabado.
Ang biktimang si alyas “Enrico”, driver, ng Barangay Sta. Cruz, Antipolo City, ay nasa “stable condition” at kasalukuyang ginagamot sa Antipolo District Hospital, ayon sa ulat ng Antipolo Component City Police Station-Police Community Precinct 2.
Sa ulat, dakong alas-10:00 ng gabi ng Nobyembre 8, naganap ang insidente sa Sitio East Kamias Phase 2 A, sa Brgy. Sta. Cruz, Antipolo City. Habang naglalakad ang biktima para bumili ng sigarilyo sa tindahan nang lumutang ang gunman at ilang beses siyang pinaputukan.
Tumakas ang suspek na nakasuot ng facemask, itim na jacket at puti ang helmet, subalit naglakad lamang sa ‘di natukoy na direksyon.
Sa ospital, aminado ang biktima na kagagaling pa lang niya sa “ratratan” o bumatak ng shabu alas-8:00 ng gabi nang maganap ang pamamaril. Inamin din niya na dati na siyang inaresto ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong 2018 at nakalaya mula sa Antipolo City Jail noong Mayo 29, 2024.
- Latest
















