Bicol region naka-red alert kay ‘Uwan’

LEGAZPI CITY, Albay , Philippines — Agad ipina-ilalim simula kahapon ng Office of Civil Defense (OCD) 5 sa pangunguna ni regional director Claudio Yucot, chairman ng Regional Disaster Risk Reduction Management Council sa red alert status ang buong Kabikolan upang makapaghanda sa inaasahang malalakas na buhos ng ulan at hangin sa paparating na bagyong “Uwan”.
Pinulong na ni Yucot ang mga kinatawan at opisyal ng iba’t ibang sangay ng pamahalaan na kasapi ng RDRRMC sa ginawang pre-disaster risk assessment na dinaluhan ng mga response agencies gaya ng Police Regional Office 5; 9th Infantry Division, Philippine Army; Philippine Coast Guard (PCG) District Bicol; PAGASAA; Department of Health (DOH)-5; Department of Social Welfare and Development (DSWD); at iba pang ahensya.
Simula kahapon ay naka-preposisyon na ang lahat ng water at floating assets ng Philippine Coast Guard, PRO 5 at AFP para sa posibleng water search and rescue operations.
Ayon naman sa ulat sa kanila ng DSWD-5, naka-prepositioned na ang nasa 195,051 family food packs at non food items na handang ipamigay sa mga maaapektuhan ng sama ng panahon na may kabuuang halagang 175,135,461 piso habang meron silang 3-milyong pisong standby fund para sa iba pang pangangilangan. Inatasan na rin ni Yucot ang lahat ng pamahalaang panlalawigan ng kanilang preparedness activities.
Sa pulong kahapon ng Albay Provincial Safety and Emergency Management Office at Provincial Disaster Risk Reduction Management Council ay nagpalabas ng advisory sa pagsususpindi ng face-to-face classes sa lahat ng antas at trabaho sa lahat ng pang-gobyernong opisina maliban sa mga nasa tanggapang kailangan sa emergency response.
Nakatakda namang ipatupad simula ngayong alas-8 ng umaga ang preemptive evacuation sa lahat ng lugar na may peligro sa lahar, baha, landslides at daluyong.
- Latest



















