13 PUV drivers nagpositibo sa droga sa Zambonga

MANILA, Philippines — Labintatlong tsuper ng Public Utility Vehicles (PUVs) ang nagpositibo sa paggamit ng illegal na droga partikular na ang shabu sa ilalim ng “Oplan Harabas” sa isinagawang random drug testing upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero sa paggunita ng Undas sa Zambonga, ayon sa ulat kahapon.
Ang random drug testing ay isinagawa sa Integrated Bus Terminal sa lungsod nitong nakalipas na Oktubre 30.
Sa report, ang drug test ay isinagawa ng composite team ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) 9, Zamboanga City Police Office, Land Transportation Franchising and Regulatory Board 9 at Land Transportation Office 9.
Nasa kabuuang 281 drivers ng mga passenger bus, tricycles, taxis at vans kasama ang mga porter ng transportasyon ang isinailalim sa drug test.
Sa mga isinailalim sa drug test, 13 dito ang nagpositibo sa paggamit ng droga. Sila ay isasailalim na sa confirmatory test at mahaharap sa pagkansela ng drivers’ license kapag nagpositibo muli.
Ayon sa mga opisyal, ang programa ay taunang isinasagawa upang masawata ang paggamit ng illegal na droga sa hanay ng mga driver at iba pang personnel sa sektor ng transportasyon.
- Latest




















