Bakbakan sa Basilan: 4 sugatan; 7,000 nagsilikas

MANILA, Philippines — Dahil sa pamamaslang sa isang Islamic teacher kamakailan, sumiklab ang matinding bakbakan sa pagitan ng tropa ng militar at ng rouge elements ng ng Bangsa Islamic Armed Forces (BIAF) ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na ikinasugat ng apat habang nasa 7,000 pang residente ang nagsilikas sa kanilang tahanan sa Tipo Tipo, Basilan nitong Martes.
Sa report ng Tipo Tipo Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) ang mga nasugatang biktima ay isinugod sa Lamitan District Hospital sa Lamitan City ng lalawigang ito para malapatan ng lunas.
Nasa 1,400 pamilya ang nagsilikas sa kanilang mga tahanan sa Brgy. Baginda at kabisera ng Tipo Tipo ng lalawigan.
Bandang alas-7 ng umaga nang umatake ang mga armadong rouge elements ng BIAF, ang armed wing ng MILF na pinalibutan ang mga kalye patungong munisipyo ng Tipo-Tipo na kanilang kinontrol habang nagpapaputok sa ere.
Nagtungo naman ang delegasyon na binubuo ng tatlong Commanders ng MILF, mga kinatawan ng Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities (CCCH) at ang pamahalaang lokal sa Tipo Tipo para sa koordinasyon, diyalogo upang matuldukan ang usapin.
Lumilitaw sa imbestigasyon ng pulisya na ang pag-atake ng BIAF rouge elements ay nag-ugat sa pagpaslang sa isang Islamic teacher na si Nadzrih Asdana Tarahin at isang Bry, official sa Brgy. Baginda noong Oktubre 21, 2021 sa isang bus terminal sa Lamitan City.
Dalawa sa mga salarin ay nasa kustodya na ng pulisya habang tinutugis naman ng MILF ang ikatlong suspect sa Brgy Baginda ng lungsod. Ang ikatlong suspect ay konektado umano sa security ng munisipyo ng Tipo Tipo.
Inihayag naman ni Basilan Gov. Mujiv Hataman na pinayuhan niya ang MILF na huminahon muna at hintaying matapos muna ang imbestigasyon.
- Latest



















