5-anyos hinostage, pinatay ng ama!
Suspek utas sa pulis, 2 pa kritikal
CAMP VICENTE LIM, Laguna MANILA, Philippines – Patay ang isang 5-taong gulang na lalaki matapos na i-hostage ng kanyang sariling ama na napatay rin ng mga rumespondeng pulis habang isa pang menor-de-edad na babae at isang babae ang malubhang nasugatan sa madugong hostage drama sa University Hills sa Barangay Sampaloc 4, Dasmariñas City, Cavite, kahapon ng umaga.
Kinilala lamang ng pulisya ang isang menor-de-edad na nasawi na si alyas “Kelvin”, 5, na dead-on-the-spot dahil sa mga saksak sa kanyang katawan.
Ang hostage taker na kinilalang si LinJun Borda, 37-anyos, isang driver ay patay rin sa madugong hostage taking matapos mabaril ng mga rumespondeng pulis matapos silang atakihin ng suspek.
Ang mga sugatan na sina Angelly Magbanua, 30-anyos, na iniulat na kapitbahay ng biktima at isa pang anak ng suspek na si alyas “Kata”, 7-anyos, ay isinugod sa pagamutan ng Dasmariñas para sa medikal matapos silang masaksak ng suspek.
Nangyari ang hostage taking sa tirahan ng pamilya Borda sa University Hills, Barangay Sampaloc 4, Dasmariñas City, bandang alas-7:45 ng umaga at ilang sandali lang ay natapos na nagresulta sa pagkakapatay ng hostage taker at kanyang kapatid.
Wala ang ina ng mga bata na nagtatrabaho sa katabing bayan nang mangyari ang hostage incident.
Ang suspek na umano’y balisa at nawala sa katinuan saka nagkulong sa kanyang silid ng halos dalawang araw hanggang sa i-hostage ang kanyang dalawang anak sa loob ng kanilang bahay. Dito, pinagsasaksak ng ama ang dalawang anak na paslit.
Habang sugatan ang mga bata, dinala pa sila ng amang suspek sa kanilang kapitbahay at sinunod na pinagsasaksak din nito si Magbanua sa loob ng kanyang lugar.
Agad namang tumawag ng pulis ang mga kapitbahay na mabilis na rumesponde sa lugar.
Armado ng patalim ang suspek at sa aktong sinasaksak uli ang kanyang anak, kung kaya siya ay binaril na ng mga pulis.
- Latest
















