Bangkay ng babae natagpuan sa Rizal
MANILA, Philippines — Isang babaeng blonde hair ang natagpuang duguang nakahandusay sa kalye at wala nang buhay, sa bahagi ng Barangay San Isidro sa Rodriguez, Rizal, Martes ng madaling araw.
Sa ulat ng Rodriguez Municipal Police Station, walang nakitang pagkilanlan sa biktima na inilarawan sa kulay ng buhok, nasa 25-30 taong gulang, nakasuot ng itim na jacket, puti ang shorts at tsinelas.
Dakong alas-4:40 ng madaling araw nang makita ng isang tricycle driver na namamasada sa lugar ang duguang bangkay sa kalsada na patungo sa AFP/PNP Housing, sa SIRRI Road, Brgy. San Isidro, at agad na ipinaalam sa pulisya.
Nakahandusay ang bangkay na may bumubulwak pang dugo mula sa ulo ang dinatnan ng pulisya. Natagpuan sa tabi nito ang basyo ng isang kalibre .45 bala.
Nagsagawa naman ng technical investigation ang Rizal forensic Group, habang patuloy pa ang pangangalap ng CCTV footages para matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek, kasabay ng pangangalap din ng impormasyon sa lugar ng pinangyarihan.
- Latest















