500 Batangueño nagmartsa vs korapsyon
LIPA, Batangas, Philippines — Sa kabila ng masamang panahon at pagbuhos ng ulan, daan-daang mamamayan mula sa iba’t ibang bahagi ng Batangas ang nagtipon at nagmartsa nitong Linggo upang ipahayag ang kanilang pagtutol sa malawakang katiwalian sa gobyerno, lalo na kaugnay ng kinahaharap na iskandalo sa proyektong flood control.
Pinangunahan ang kilos-protesta ng Tindig Batangas, isang lokal na grupong adbokasiya na pinamumunuan ni Ferdinand Alilio.
Ayon kay Alilio, layunin ng kilusang ito na manawagan ng pananagutan mula sa mga opisyal ng pamahalaan kaugnay ng umano’y maling paggamit ng pondo at mga kuwestiyonableng proyekto ng imprastruktura.
Paliwanag pa niya, sadyang isinagawa sa Lipa City ang pagtitipon upang ipakita na kahit sa mga lugar na bihirang sumasali sa mga kilos-protesta, may mga taong handang manindigan.
Nagpakita ng suporta sa rally ang iba’t ibang sektor kabilang ang mga pari mula sa Simbahang Katolika, mga lider ng komunidad ng Muslim, mga manininda, grupo ng transportasyon at manggagawa, mga nakatatanda, at mga progresibong organisasyong kabataan gaya ng Alyansa Barako, Kabataan Partylist, Anakbayan, Panday Sining, at ang civic group na Guardians.
Nagsimulang magtipon ang mga kalahok bandang alas-6:30 ng umaga at sabay-sabay na nagmartsa sa mga pangunahing kalsada ng Lipa City bago magtungo sa Lipa City Community Park sa Barangay 7.
Tinatayang nasa 500 katao ang dumalo sa nasabing pagtitipon, ayon kay Lipa City Chief of Police Lt. Col. Aleli Buaquen.
- Latest





















