Paslit, 1 suspek patay sa shootout

Habang isinisilbi ang warrant of arrest
MANILA, Philippines — Isang 4-anyos na batang lalaki at isang suspek ang nasawi na kung saan ay dalawang pulis ang nasugatan nang mauwi sa shootout ang pagsisilbi ng warrant of arrest laban sa isang wanted sa batas sa Brgy.San Cristobal, Calamba City, Laguna, nitong Miyerkules ng umaga.
Idineklarang dead-on-arrival ang 4-anyos na si Akhiro Sañez, residente ng nasabing barangay nang tamaan ng ligaw na bala habang namatay noon din ang isang alyas “Awid” na kasamahan ng wanted na lalaki na target sa operation.
Ang mga nasugatang pulis ay kinilalang sina Chief Master Sgt. Alberto Plaza; at P/Staff Sgt. John Principe na kapwa nagtamo ng tama ng bala sa katawan ay nasa maayos ng kondisyon.
Ayon sa pulisya, alas-11:19 ng umaga ay kasalukuyan nilang isinisilbi ang warrant of arrest laban sa suspect na si Regie Abarquez, wanted sa kasong homicide nang biglang paulanan ng bala ng mga kasamahan nito ang mga operatiba ng pulisya.
Ang dalawang pulis ay nasugatan sa insidente habang mabilis namang gumanti ng putok ang iba pang miyembro ng arresting team na kung saan ay nasawi si alyas Awid hanggang sa magsitakas ang iba pa nitong kasama kabilang si Abarquez.
Nabatid na si Abarquez at tatlong kasamahan kabilang ang napatay na si alyas Awid ay pinaghahanap dahil sa nakabinbing criminal records para sa frustrated murder, gun-running activity at bilang mga kasapi ng contract killer na kumikilos sa lungsod at mga katabing bayan at barangay.
- Latest


















