Trader inutas sa gulpi at saksak ng 3 mag-uutol

MANILA, Philippines — Patay ang isang negosyante makaraang kuyugin at pagtulungang gulpihin at pagsasaksakin ng tatlong magkakapatid na lalaki sa Brgy. Magtaquing, Bugallon, Pangasinan nitong Sabado ng gabi.
Ang biktima ay kinilala lamang sa pangalang Alfredo, na dead-on-arrival sa tinamong mga bugbog at saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Kinilala naman ang mga suspect sa mga alyas na “Robin”, “Leo” at “Rubie”; pawang nahaharap sa kasong murder.
Sa ulat ng Pangasinan Police, dumating ang mga suspect sa nasabing lugar na umano’y nasa impluwensya ng alak na pinagsisigawan ang biktima. Tinangka naman silang payapain ng biktima pero imbes na makinig ay kinuyog siya ng tatlo saka binugbog at pinagsasaksak.
Duguang humadusay ang biktima habang mabilis na nagsitakas ang mga suspect.
Nagawa pang maisugod sa pagamutan ang biktima pero idineklara nang dead-on-arrival.
Sa imbestigasyon, bago ang krimen ay nagkaroon umano ng alitan sa pagitan ng mga suspect at ng nasabing negosyante sa lamay ng isa sa kanilang mga kaibigan.
- Latest





















