Sanggol nahukay nang buhay sa Cebu quake
MANILA, Philippines — Pinaniniwalaang iniligtas ng kaniyang “guardian angel” ang isang 4-buwang sanggol na babae matapos siyang buhay na mahukay habang patay naman ang kaniyang mga magulang at kapatid na lalaki nang mabagsakan ng malaking tipak na bato ang kanilang tahanan sa 6.9 magnitude ng lindol na tumama sa hilagang Cebu, ayon sa ulat kahapon.
Kinilala ang nasagip na sanggol na si Briana Grace Pilones na binansagang “miracle survivor” sa Gitbitngil Island sa Medellin, Cebu.
Sa report na nakarating sa Office of Civil Defense (OCD) 7, ang sanggol ay tanging survivor dahil ang ama nitong si Marwen, 26; inang si Katherine at kapatid na si Jacob, 6 anyos, ay pawang nasawi sa lindol na tumama sa kanilang lugar noong Setyembre 30 ng gabi.
Sa ipinosteng larawan sa social media ni Dr. Bianca Lopez Salimbangon, karga nito ang sanggol na pinagkaguluhan sa milagro nitong pagkakaligtas sa delubyo ng lindol.
Base sa salaysay ng lolo nitong si Wilson Pilones, galing umano siya sa pangingisda na iniwan ang kaniyang bangka sa aplaya at kasalukuyang papasok na sa kanilang tahanan nang biglang lumindol nang malakas.
Dahil dito’y dali-dali nitong inilabas ang kaniyang misis at iba pang miyembro ng kanilang pamilya pero ang anak nitong si Marwen, misis at isa pa niyang apo na may ilang metro lamang ang layo ng bahay sa kanilang tahanan ay nabigong makaligtas.
Sinabi ng matanda na nabagsakan ng malaking bato na gumulong mula sa bundok ang bahay ng anak na si Marwen at kahit umano umuuga pa ay umiiyak siyang naghukay at nagdarasal na masagip pa niya ang pamilya lalo na nang marinig niyang umiiyak ang kaniyang apong si Briana Grace.
Naghukay ang matanda at sa tulong ng mga kapitbahay ay nasagip si Briana Grace na nag-iisang nakaligtas habang patay na ang mga magulang nito at kapatid.
Nitong Biyernes, inihatid na sa huling hantungan ang tatlong miyembro ng pamilya na nasawi sa trahedya.
Matapos namang ma-checkup ng mga doktor ang nakaligtas na sanggol, ay ibinalik na siya sa pangangalaga na ng kaniyang lolo Wilson.
- Latest


















