Panghoholdap ng 3 lalaki sa obrero, ala-comedy film

Armado ng mga pekeng baril, P2K tangay
MANILA, Philippines — Nagmistulang eksena sa pelikula na “katawa-tawa” ang kinalabasan nang maaresto ng mga awtoridad ang tatlong lalaki at matuklasan na mga pekeng baril kabilang ang isang mahabang rifle ang kanilang ginamit sa panghoholdap sa pobreng obrero na pinasok sa kanyang bahay at tinangay ang 2-libong pisong pera nito sa Taytay, Rizal, Sabado ng umaga.
Sa ulat ng Taytay Municipal Police Station, ang mga suspek na sina alyas “Judel”, “Rick”, at “Naser” ay ipinagharap na ng mga kasong paglabag sa Article 306 ng Revised Penal Code o Robbery in Band at RA 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition.
Pinasok umano ng mga suspek na may kanya-kanyang bitbit na armas ang bahay ng isang alyas “Jerick”, construction worker, sa San Lorenzo Ruiz, Barangay San Juan, Taytay, Rizal alas-6:00 ng umaga ng Oktubre 4, at nagdeklara ng holdap saka tinangay ang P2,000 cash ng biktima.
Tumakas ang mga suspek sakay ng get-away vehicle na Toyota Hi-Ace (DAM-7592) at agad namang inireport ng biktima sa Taytay Police.
Sa follow-up operation na pinamunuan ni P/Lt. Marlon Maiso, natunton ang mga suspek at kinumpiska ang mga baril, bala at sasakyan. Doon ay natuklasan na ang mahabang baril o rifle ay isang replica, at isang maikling baril na replica rin ang gamit ng dalawa sa krimen, habang ang isa ay nakumpiskahan ng sumpak na may 5-bala.
Bukod sa napakaliit na halagang tinangay, isang construction worker ang napiling holdapin ng tatlong suspek na naka-van at gumamit pa ng mga replica na baril.
- Latest

















