Kagawad tinodas sa loob ng tindahan

LAGUNA , Philippines — Patay ang isang barangay kagawad matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem sa loob ng kanyang maliit na tindahan sa Barangay Poblacion, Alaminos, ng lalawigang ito noong Huwebes ng gabi.
Kinilala ang biktima na si Darwin Cuenca Tolentino, 55, konsehal at residente ng Barangay Poblacion 4, Alaminos.
Lumabas sa imbestigasyon na habang nakaupo at nagbabantay ang kagawad sa loob ng kanyang sari-sari store nang bumaba mula sa motorsiklo ang isa sa dalawang salarin at pagbabarilin ng ilang beses nang malapitan, bandang alas-6:45 ng gabi.
Bagama’t sugatan, isinugod pa ng mga kaanak at bystanders ang biktima sa San Pablo Medical Center subalit idineklara itong dead-on-arrival. Nagtamo ng maraming tama ng bala sa katawan si Tolentino.
Inilarawan ng pulisya ang isa sa namaril na nakasuot ng pulang t-shirt, habang shorts at itim na cap na armado ng hindi kilalang baril.
Tumakas ang mga armadong lalaki sakay ng isang itim na motorsiklo patungo sa hindi malamang direksyon.
- Latest
























