Misis ‘kumabit’ sa tiyuhin, huli ni mister!

Nagtago sa ilalim ng banig
RAPU-RAPU, Albay, Philippines — Duguang isinugod sa pagamutan ang isang 53-anyos na tiyuhin matapos saksakin ng pamangkin makaraang mahuli na kalantare ang kanyang misis na nagtago pa sa ilalim ng banig sa loob ng bahay ng una sa Purok-5, Brgy. Poblacion, Rapu-Rapu, Albay, kamakalawa ng umaga.
Nasa Sorsogon Provincial Hospital sa Sorsogon City at patuloy na nilalapatan ng lunas ang biktima na kinilalang si alyas “Dante”.
Boluntaryo namang sumuko sa Rapu-Rapu Police Station dala ang kutsilyong ginamit sa pananaksak ang suspek na si alyas “Ruel”, 39-anyos, kapwa residente ng naturang lugar.
Sa ulat, dakong alas-11:38 ng tanghali
hinanap ng mister ang kanyang kinakasamang si “Alicia” sa mga kapitbahay. Gayunman, isang residente ang nakapagturo na nakita
ang ginang na nagpunta sa bahay ng kanyang tiyuhin.
Agad pinuntahan ni Ruel ang bahay ng kanyang tiyo at nakita sa sahig ang tsinelas ng kanyang kinakasama. Nang pumasok, napansin nitong may nagtatago sa ilalim ng banig sa papag.
Nang hawiin ni Ruel ang banig ay tumambad ang live-in partner niyang si Alicia na mabilis na nagtatakbo palabas. Ang kanya namang tiyuin na dinatnang naghihiwa ng sibuyas sa mesa na katabi lang ng higaan ay sinubukan siyang saksakin pero naiwasan ito at naagaw ang kutsilyo na kanyang itinarak sa kaliwang bahagi ng dibdib nito.
Mabilis na isinugod ng mga residente sa Rapu-Rapu District Hospital ang duguang biktima pero dahil sa maselang lagay nito ay itinawid ng karagatan at dinala sa Sorsogon Provincial Hospital kung saan patuloy na inoobserbahan.
- Latest
















