Daang katao inilikas, klase suspendido
Malawakang pagbaha sa Batangas
BATANGAS, Philippines – Malalakas na pag-ulan ang naging sanhi ng malawakang pagbaha sa iba’t ibang bayan sa Batangas, dahilan upang magsagawa ng mga evacuation, pagsasara ng ilang pangunahing kalsada, at pagsuspinde ng klase sa ilang mga lugar.
Naka-full alert ang mga lokal na pamahalaan at mga emergency responders para sa 24/7 na pagbabantay at pagresponde sa patuloy na nararanasang sakuna.
Sa Lemery, inilikas ang 42 pamilya o 98 indibiduwal mula Barangay Palanas patungong Barangay Hall, habang 96 pamilya o 323 indibiduwal mula Barangay Matingain 1 ay pansamantalang nanunuluyan sa Doña Matilde Elementary School.
Sa Lian, Tuy at Calaca City, nagsagawa rin ng paglilikas ng mga residente mula sa mabababang lugar at mga nakatira sa tabing-ilog dahil sa pagbaha.
Sa Nasugbu, inilikas din ang mga residente mula sa mga barangay ng Lumbangan at Bucana dahil sa patuloy na pagtaas ng tubig.
Marami sa mga pangunahing kalsada at spillway sa lalawigan ang hindi na madaanan dahil sa pagbaha, partikular sa mga bayan ng Lemery, Lian, Agoncillo, at Laurel.
Nakaranas naman ng malawakang brownout ang buong bayan ng Agoncillo dahil sa epekto ng pagbaha.
Bilang pag-iingat, sinuspinde ang klase sa mga apektadong lugar, at inilipat sa Modular Distance Learning (MDL). Buong araw ng Biyernes ang naging suspensyon ng klase sa lahat ng antas, pampubliko at pribado sa mga bayan ng Lemery, Laurel, Balete, Lian, Nasugbu, Balayan, Tuy at Calatagan.
Samantala, panghapon lamang ang suspensyon ng klase sa mga paaralan sa Taal, Talisay, Rosario, Mataas na Kahoy at Ibaan na lumipat sa MDL kung kinakailangan.
- Latest


















