8K katao dumagsa sa MNLF reunion
COTABATO CITY, Philippines — Nagtipon sa isang function facility ng KCC Mall dito sa lungsod ang hindi bababa sa 8,000 na miyembro at mga leaders ng Moro National Liberation Front (MNLF) mula sa Central Mindanao at Bangsamoro island provinces nitong September 21, 2025.
Layunin ng naturang pagtitipon na maipahayag ang kanilang patuloy na pagpapahalaga sa mga positibong resulta ng September 2, 1996 government-MNLF peace agreement at ang adhikain ng kanilang grupo na isulong ang kaunlaran ng Mindanao sa pamamagitan ng participatory governance at makabuluhang awtonomiya, batay sa mga layunin ng naturang kasunduang pangkapayapaan.
Nanguna sa mga dumalo sa MNLF grand reunion sina Bangsamoro Labor and Employment Minister Muslimin Sema, chairman ng MNLF, ang mga kasapi ng 80-seat Bangsamoro parliament na sina Hatimil Hassan na taga Basilan at Adzfar Usman na taga Sulu. Sina Hassan at Usman ay mga ranking officials din ng MNLF.
Dumalo rin sa naturang pagtitipon ang isa pang mataas na opisyal ng MNLF na miyembro din ng BARMM parliament na si Omar Yasser Crisostomo Sema.
Ang nasabing opisyal ay halinhinang nagpahayag ng mga mensaheng nanawagan ng pagkakaisa sa pagsulong ng peace and sustainable development sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at pagpapalaganap ng matibay na samahan ng mga Muslim, Christian at non-Moro indigenous communities sa BARMM.
Ang MNLF at Moro Islamic Liberation Front ay parehong may mga kinatawan sa Bangsamoro regional parliament.
- Latest

















