Mister pinatay ng motorcycle rider
CAVITE, Philippines – Patay ang isang mister matapos na pagbabarilin ng lalaking kaalitan na lulan ng motorsiklo kamakalawa ng gabi sa Brgy. Inocensio, Trece Martires City.
Dead-on-arrival sa pagamutan ang biktima na kinilala sa alyas na “Romeo”, 39, residente ng Saint Peter St., Brgy. Inocencio, Trece Martires City, Cavite.
Tumakas naman ang suspek na si alyas “Arnulfo”, residente ng Purok 5, Brgy. Santiago, General Trias City, Cavite.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, alas-11:50 ng gabi, namataan na nag-uusap ang biktima at suspek sa isang eskinita sa nasabing lugar.
Nakasakay umano ang suspek sa motorsiklo nito na Yamaha Aerox na may plakang 0329AX. Habang nag-uusap ang dalawa, nauwi umano sa mainitang pagtatalo hanggang sa bumunot ng maiksing baril ang suspek at sunud-sunod na pinagbabaril ang biktima bago mabilis na pinaharurot ang kaniyang motorsiklo patakas.
Nagsasagawa na ng follow-up investigation ang pulisya at pinaghahanap na ang tumakas na suspek. Wala pa ring motibo ang naganap na insidente.
- Latest





















