8 pang BIFF terrorists sumuko sa Army
COTABATO CITY Philippines — Walo pang miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang sumuko at nanumpa ng katapatan sa pamahalaan sa isang seremonyang ginanap nitong Huwebes sa Barangay Kabengi sa Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur.
Iniulat kahapon ni Major Gen. Donald Gumiran, commander ng 6th Infantry Division, na ang walong BIFF members ay unang ipinakustodiya ang kanilang mga combat weapons at improvised explosive devices sa 90th Infantry Battalion bago nangakong magbabagong buhay na sa harap ng mga Army officials at local executives na dumalo sa naturang surrender rites sa 90th IB headquarters sa Barangay Kabengi, Datu Saudi Ampatuan.
Ayon kay Gumiran, nagtulungan ang mga opisyal ng 90th IB, sa pangunguna ng kanilang commanding officer na si Lt. Col. Luqui Marco, at ang commander ng 601st Infantry Brigade na si Brig. Gen Edgar Catu, at mga local government officials sa Datu Saudi Ampatuan at sa iba pang bayan sa Maguindanao del Sur sa paghikayat sa pagsuko ng walong violent religious extremists.
Sa mga hiwalay na ulat ni Marco at Catu, binigyan ng Datu Saudi Ampatuan LGU at ng Ministry of Public Order and Safety-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao ng inisyal na cash assistance at food supplies ang walong sumukong BIFF members.
- Latest



















