Buntis, estudyante nilamon ng lupa
MANILA, Philippines — Nalibing nang buhay ang isang buntis na ginang at isang 17-anyos na estudyanteng lalaki matapos matabunan ng lupa ang kanilang bahay mula sa gumuhong lupa sa magkakahiwalay na insidente sa Mankayan, Benguet at Tabuk City, Kalinga noong Miyerkules ng hapon.
Sa report ng Benguet Police, kinilala ang nasawing ginang na si Ivy Khate Dizon, 18-anyos, walong buwang buntis at residente ng Brgy. Guinaong, Mankayan, Benguet.
Kasalukuyang natutulog si Dizon sa loob ng kanilang tahanan ng bumagsak ang riprap wall at tumabon rito ang lupa at debris.
Nagawa pa itong maisugod sa isang hospital sa Buguias, Benguet pero idineklara na itong dead-on-arrival.
Ang landslide ay sanhi ng malalakas na pag-ulan sa Cordillera Region at Cagayan Valley dulot ng southwest monsoon rains o habagat.
Sa isa pang insidente, sinabi naman P/Captain Ruffy Manganip, spokesperson ng Kalinga Police, nasawi naman ang 17-anyos na lalaki na Grade 11 student matapos din matabunan ng lupa mula sa gumuhong bundok ang kanilang tahanan sa Brgy. Bulanao, Tabuk City, Kalinga.
Nagresponde naman ang Tabuk City Disaster Risk Management Office team katuwang ang mga volunteers ng 1st Kalinga Provincial Mobile Force Company at narekober ang putikang katawan ng biktima bandang alas-8:00 ng gabi pero idineklara na itong dead-on-arrival sa pagamutan.
- Latest




















