Bubong ng stage bumagsak: 6 estudyante sugatan

MANILA, Philippines — Anim na estudyante ang sugatan nang madaganan ng canopy o bubong ng isang entablado habang kasagsagan ng kanilang praktis ng sayaw sa loob ng Peñaranda Park sa Old Albay District, Legazpi City, Albay noong Sabado ng gabi.
Duguang isinugod sa Bicol Regional Hospital and Medical Center dahil sa malubhang sugat sa ulo ang hindi pinangalanang estudyante habang dinala naman sa Legazpi City Hospital ang lima nitong kamag-aral na nagtamo rin ng mga sugat at pinsala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sa ulat, dakong alas-6 ng gabi nag-eensayo ng sayaw ang nasa 40-estudyante mula sa Bicol College sa bayan ng Daraga sa ibabaw ng stage ng Peñaranda Park nang biglang nahati sa gitna ang canopy o stage roof na gawa sa bakal at trapal saka bumagsak sa mga biktima na nagsasayaw.
Agarang rumesponde ang mga tauhan ng sa Bureau of Fire Protection (BFP)-Legazpi City at Legazpi City Police Station saka mabilis na isinugod ang mga biktima sa pagamutan.
Sa inisyal na imbestigasyon, itinayo ang canopy para sa isang dance showdown kaugnay ng Ibalong Festival at dahil sa lakas ng ulan ay posibleng naipon ang tubig sa itaas dahilan nang pagbigat nito at tuluyang pagbagsak.
“Biglang bumuhos yung malakas na ulan, napuno yung bubong, ‘yun po naging cause na mag-crack yung canopy na dito, yun po nahulog po. Mula kasi alas-4 ng hapon ay malakas na ang buhos ng ulan,” pahayag ni P/Lt. Col. Domingo Tapel Jr., hepe ng Legazpi City Police Station sa isang radio interview.
Ayon sa opisyal maayos na ang kalagayan ng mga biktima maliban lamang sa isa na dumadaing ng matinding sakit ng ulo.
Samantala sa kaniyang social media post, ibinahagi ni Albay Gov. Noel Rosal ang larawan ng bumagsak na istraktura na aniya’y bumagsak dahil sa sobrang dami ng tubig na naipon sa tarpaulin na bubungan nito at wala naman aniyang malakas na hangin nang mangyari ang insidente.
Nabatid na ang nasabing istraktura ay pinondohan ng P93 milyon na katatapos lamang ng konstruksyon kamakailan at gagamitin ito para sa Albay District Fiesta Parade at Ola Day, bukas (Setyembre 2).
- Latest

















