Grade 7 stude nalunod, utol nasagip

Nagtampisaw sa ilog
MANILA, Philippines — Nilamon ng ilog ang isang 13-anyos na estudyanteng babae matapos na malunod habang nasagip naman ang nakababata nitong kapatid sa Brgy. Igang, Baybay City, Leyte nitong Sabado ng hapon.
Kinilala ang biktima sa pangalan lamang na Ana, isang Grade 7 student at residente sa nasabing Barangay. Nasagip naman ang nakababatang kapatid nitong si Caloy, 10 taong gulang.
Sa report ng Baybay City Police, nangyari ang insidente matapos na magkatuwaan ang magkapatid na maligo sa ilog sa Brgy. Igang, Baybay City bandang alas-4:30 ng hapon.
Ayon sa imbestigasyon, ang mga bata na inaalagaan ng tiyakin nilang tinukoy lamang sa pangalang Angela, 27-anyos, ay abala sa kaniyang pangunguha ng panggatong sa kagubatan hindi kalayuan sa kanilang tahanan.
Pinagsabihan pa umano ni Angela ang mga pamangkin na huwag maliligo sa ilog dahilan malakas ang agos.
Gayunman, sa sobrang kakulitan ng mga bata sa kabila ng babalanay lumarga pa rin silang maligo sa ilog. Ilang saglit pa ay narinig niyang sumisigaw ang mga pamangkin na humihingi ng tulong.
Agad namang napatakbo ang kanilang tiyahin at sa puntong ito ay nakita ang magkapatid na kapwa nagkakawag na sa tubig. Dahil sa hindi rin marunong lumangoy si Angela, iniabot na lamang nito mula sa pampang ng ilog ang buho o kawayan sa mga pamangkin upang kumapit at kaniyang hihilahin.
Nagawang makakapit ni Caloy pero si Ana ay tuluyang tinangay ng malakas na agos hanggang sa malunod.
Narekober ng mga nagrespondeng rescue team ang bangkay ng nene dakong alas-6:30 ng gabi ng nasabi ring araw.
- Latest



















