Parokya sa Ilocos Sur, idineklarang Minor Basilica

MANILA, Philippines — Pormal nang idineklara ng Simbahang Katolika ang Parish of Our Lady of the Assumption sa Santa Maria, Ilocos Sur bilang isang “Minor Basilica”.
Ayon sa Archdiocese of Nueva Segovia, ito na ang magiging ikalawang Minor Basilica sa kanilang lalawigan.
Nabatid na ang elevation ng parokya ay opisyal na isinagawa sa isang banal na misa sa Solemnity ng Assumption of the Blessed Virgin Mary, na pinangunahan ni Papal Nuncio Archbishop Charles John Brown.
Katuwang ni Brown sa pagdaraos ng naturang banal na misa sina Archbishop Marlo Peralta ng Nueva Segovia, Bishop David William Antonio ng Ilagan at ilang obispo mula sa Northern Luzon.
Sa kanyang mensahe, inihayag ng papal nuncio na ang titulong minor basilica ay nagpapakita ng mas matinding pagkakabuklod sa pagitan ng lokal na simbahan at ng Santo Papa, na sumisimbolo sa komunyon ng Universal Church.
Sa kanyang homiliya, sinabi naman ni Antonio, na dating auxiliary bishop ng Nueva Segovia, na ang elevation ng parokya bilang minor basilica ay hindi isang reward, kundi panawagan sa isang misyon.
- Latest























