Lady accountant nalulong sa e-sabong, e-gambling

P900K ng kumpanya, nadispalko
MANILA, Philippines — Dahil sa pagkakalulong sa e-sabong at iba pang uri ng e-gambling, inaresto ng mga awtoridad ang isang 30-anyos na babaeng accountant matapos madispalko umano nito ang P900,000 pera ng kanilang kumpanya na ipinantaya nito sa kaniyang naging bisyo sa Bacolod City, Negros Occidental, ayon sa ulat kahapon.
Ang suspect na itinago sa alyas “Danica” ay inaresto ng pulisya kamakailan sa kasong 40 counts ng qualified theft na inihain ng kumpanyang pinagtatrabahuhan ng suspect.
Sinabi ni P/Captain Glenn Montaño, hepe ng Bacolod City Police Station 10, ang suspect ay halos nasa isang dekada nang nagtatrabaho sa naturang kumpanya na hindi tinukoy ang pangalan kaya’t malaki ang tiwala sa suspect.
Lumilitaw sa imbestigasyon, na umaabot sa P500,000 hanggang P1 milyon ang nire-remit ng salesman ng kumpanya sa suspect at mula dito’y kumukupit umano siya ng P10,000 hanggang P20,000.
Ang suspect ay kumukuha ng pera ng tatlong beses kada linggo na ipinantataya nito sa online sabong at iba pang uri ng e-gambling gamit ang perang inuumit nito sa kumpanya.
Nadiskubre lamang na malaki ang perang nawawala sa kumpanya matapos na isailalim na sa auditing ang kita at gastusin sa kanilang operasyon.
Sa presinto, inamin ng suspect nag-click siya ng link sa kaniyang cellphone hanggang sa mag-bet na sa online sabong at iba pang online gambling na dito niya dinala ang nawawalang halaga sa kumpanya. Inamin nito na noong una ay sinubukan lamang niya hanggang sa malulong na siya sa online gambling at e-sabong.
Inirekomenda naman ng korte ang piyansang P1.3 milyon para sa pansamantalang kalayaan ng nasabing suspect. Sising alipin naman ang suspect matapos na ma-adik sa sari-saring sugal sa online.
- Latest


















