Pulis sumalpok sa poste, patay!

GUINOBATAN, Albay, Philippines — Nagkalasug-lasog ang katawan ng isang pulis matapos bumangga ang minamanehong motorsiklo sa poste ng kuryente sa kahabaan ng Maharlika National Highway sa Brgy.Lower Binogsacan ng bayang ito kamakalawa ng gabi.
Duguan at walang malay na naisugod pa sa Josefina Belmonte Duran Memorial Albay Provincial Hospital sa Ligao City pero idineklarang dead-on-arrival ang biktima na kinilala lamang sa pangalang “Danilo”, 31-anyos, residente ng Brgy. Maninila, Guinobatan, Albay, kasapi ng Police Regional Mobile Force Battalion na nakatalaga sa PNP Detachment sa Brgy.Harige, Libon.
Ayon sa ulat, pasado alas-10 ng gabi galing sa duty ang pulis at pauwi na sana sa kanilang bahay sakay ng kanyang Honda Click motorcycle, gayunman, habang binabagtas nito ang kahabaan ng Maharlika National Highway ay nawalan siya ng kontrol sa minamanehong motorsiklo dahilan para bumangga ito sa poste sa tabi ng kalsada.
Mabilis na rumesponde ang mga pulis at isinugod ang biktima sa pagamutan pero hindi na umabot nang buhay.
- Latest


















