Titser, mister itinumba sa harap ng anak!

ILOCOS SUR, Philippines — Patay ang isang titser at mister nito matapos silang tambangan at pagbabarilin ng riding-in-tandem habang sakay ng tricycle kasama ang kanilang paslit na anak sa bahagi ng Barangay Patong sa bayan ng Magsingal, dito sa lalawigan nitong Sabado ng umaga.
Kinilala ang nasawi na sina Maynard Unciano Torreno, 33, at misis nito na si Mary Rose Tabag Torreno, 32, isang guro at kapwa residente sa nasabing lugar.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, sakay sa tricycle ang mag-asawa na minamaneho ng mister, kasama ang kanilang 9-anyos na anak, nang biglang sumulpot umano ang dalawang magkaangkas na lalaki na nakasuot ng bonet at pinagbabaril ang dalawang biktima dakong alas-8:40 ng umaga.
Agad na tumakas ang mga suspek matapos ang pamamaril habang mabilis na naisugod sa pagamutan ang mag-asawa subalit idineklarang dead-on-arrival ang mister.
Ang titser na misis naman ay binawian din ng buhay habang nilalapatan ng kaukulang lunas.
Ang mag-asawa ay nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan na sanhi ng kanilang agarang kamatayan.
Mapalad naman na hindi tinamaan ng bala ang 9-anyos na anak ng mag-asawa.
Nakarekober naman ng mga awtoridad ang mga basyo ng bala sa pinangyarihan ng krimen.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para malaman ang motibo sa pagpatay at kung sino ang nasa likod ng krimen.
- Latest


















