Lady vlogger ‘dinuraan’ lagayan ng Holy Water
Simbahan isinara
MANILA, Philippines — Umani ng kaliwa’t kanang pagbatikos sa netizens partikular na sa mga debotong Katoliko ang isang babaeng vlogger matapos na mag-viral sa social media ang pambabastos umano nito nang kanyang duraan ang container na sisidlan ng Holy Water sa loob ng simbahan sa bayan ng Jimenez, Misamis Occidental, ayon sa ulat kahapon.
Bunga nito, pansamantalang ipinasara ang St. John the Baptist Parish Church sa Jimenez.
Sa report na nakarating sa Jimenez Municipal Police Station (MPS), ang insidente ay naganap habang kumukuha ng vlog ang nasabing babae na nakilalang si Christine Medalla noong linggo.
Sa isang pahayag ng Archdiocese ng Ozamis na nilagdaan ni Archbishop Martin Jumoad, ipinag-utos nito ang pansamantalang pagsasara ng nasabing simbahan alinsunod sa Code of Canon Law at hanggang sa maisagawa ang pastoral assessment at penitensya kasunod ng insidente.
TInuligsa ni Jumoad ang pangyayari na aniya’y isang pambababoy sa kalinisan ng mga sagradong bagay.
Samantala, isang Holy Hour of Adoration and Solemn Confessions ang gaganapin sa Agosto 7 sa ika-3 ng hapon para sa pagsisisi.
Pinaalalahanan ng arsobispo ang mga mananampalataya na igalang ang mga sagradong bagay.
Sa kabila nito, sa isang radio interview ay itinanggi ni Medalla ang insidente matapos siyang batikusin ng nagngingitngit na netizens partikular na ang mga debotong Katoliko.
Sa kaniyang Facebook page na may 117,000 followers ay humingi ng tawad si Medalla sa mga Katoliko pero iginiit na hindi umano siya dumura sa sisidlan ng Holy Water kundi yumuko at sumilip lang para sa kaniyang vlog.
- Latest





















