Parak rumesponde sa crime scene, patay sa lunod

Bangkang sinasakyan lumubog..
MANILA, Philippines — Nagbuwis ng buhay ang isang pulis na nagresponde upang iproseso ang crime scene sa isang engkuwentro matapos na lumubog ang sinasakyan nitong bangka sa Brgy San Isidro, Las Navas, Northern Samar noong Sabado.
Sa ulat ng Northern Samar Provincial Police Office (NSPPO), kinilala ang nasawing biktima na si Police Executive Master Sergeant Harry Mangiga Palao-ay, 42 taong gulang.
Nabatid na sumakay ng bangka si Palao-ay matapos namang magproseso ng crime scene sa isang engkuwentro sa naturang Barangay gayunman dahil sa lakas ng mga alon ay binalya ang bangkang sinasakyan nito.
Dahil dito, lumubog ang bangka at nalunod sa insidente ang nasabing parak.
Ayon sa NSPPO, nagluluksa sila sa pagpanaw ni Palao-ay, nakatalaga sa Northern Samar Provincial Explosive and Canine Unit, isang espesyalista at high risk unit na ang trabaho ay magresponde sa mga bomb threats, magproseso ng post-blast scene at umasiste sa mga kumplikadong imbestigasyon.
Ang nasabing parak ay tubong La Trinidad, Benguet na ang pagiging eksperto at katapangan sa trabaho ay malaki ang naiambag sa mga sensitibong operasyon ng NSPPO.
“We honor his bravery, professionalism, and his selfless service he rendered to the people of Northern Samar,” saad ni P/Col. Sonnie Omengan, director ng NSPPO.
- Latest





















