Lalaki pumila sa ayuda, tigok!
MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines — Patay ang isang lalaki nang biglang manikip ang dibdib habang naghihintay ng ayuda sa Capitol gym sa lungsod na ito nitong umaga ng Hulyo 12.
Sa report ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), kinilala ang biktimang si Wilfredo Ople Catajan Jr., residente ng Brgy. Sto. Niño, Hagonoy.
Ayon sa report, bandang alas-10:40 ng umaga sa kasagsagan ng pamamahagi ng ayuda na tinawag na Emergency Cash Transfer (ECT) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay nakaramdam ng sama ng katawan ang biktima sa kanyang kinauupuan.
Dahil dito, agad binuhat ng mga responders ang biktima at dinala sa Bulacan Medical Center na dumaan sa CPR, suction, intubation, ECG at iba pang vital diagnostics subalit bandang alas-11:05 ng umaga ay idineklara ng mga doktor na wala nang buhay.
Nabatid na acute coronary syndrome ang cause of death ng biktima na dating may taglay na karamdaman sa kalusugan, base sa impormasyong nakalap.
Sinasabing dinudumog ng napakaraming Bulakenyo ang Bulacan Capitol gym tuwing may ipinamamahaging ayuda na nasa mahigit P5,000 mula sa gobyerno.
Nanawagan si Bulacan Governor Daniel Fernando sa kanyang mga kalalawigan nang ibayong pag-iingat at nagpaabot ng pakikiramay sa mga naiwang mahal sa buhay ni Catajan.
- Latest






















