73-anyos lola itinumba sa tindahan!

MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines — Patay ang isang 73-anyos na babae matapos pagbabarilin ng motorcycle rider na may takip na itim ang mukha sa lungsod ng Baliwag nitong umaga ng Hunyo 7.
Sa report, ang biktima ay tinukoy lang sa pangalang Yolanda, residente ng Brgy. Sabang, Baliwag City.
Ayon sa report, naganap ang pamamaril bandang alas-8:00 ng umaga sa isang tindahang sakop ng A. Mabini St. Brgy. Sabang.
Nabatid na ang suspek na may takip ang mukha ay may taas na 5’8’, slim built, nakasuot ng faded pants, hoody jacket, black half face mask bonnet at white ball cap.
Sa CCTV footage na nag-viral sa social media, makikitang nakikipag-usap pa ang suspek sa isang lalaki sa tindahan at nang makatiyempo ay nilapitan ang matandang biktima hanggang sa walang awang pinagbabaril na kanyang agarang ikinasawi.
Sinasabing matapos ang pamamaril nang malapitan gamit umano ang caliber 45 pistol ay mabilis na sumibat ang suspek lulan ng motorsiklo sa direksyon ng Brgy. Poblacion.
Habang sinusulat ito, patuloy ang pagtugis ng pulisya sa suspek upang mabigyan ng hustisya ang biktima.
- Latest



















