Eastern Samar isinailalim sa state of emergency
Dahil sa nasirang San Juanico Bridge...
MANILA, Philippines — Isinailalim na sa state of emergency ang Eastern Samar dahil sa nilikhang krisis sa isasagawang rehabilitasyon sa San Juanico Bridge na nakaapekto sa ekonomiya at transportasyon sa lalawigan.
Sa isang resolusyon na inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan nitong Lunes ng hapon, ito’y dahil sa “load restrictions” sa San Juanico Bridge.
Ang deklarasyon ay naglalayong mapabilis ang paghahatid ng tulong at serbisyo sa mga apektadong lugar na matindi ang problema sa transportasyon at ekonomiya.
Nabatid na nahihirapan ang mga biyahero na maihatid ang kinakailangang mga supply tulad ng mga pagkain at iba pa sa kanilang mga destinasyon dahil bawal dumaan sa San Juanico Bridge ang mga truck na may kargang mabibigat na kontrabando bunsod ng nakitang sirang bahagi ng tulay.
Ipinamo-monitor naman sa Department of Trade and Industry (DTI) ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa rehiyon upang matiyak na hindi magsasamantala ang mga negosyante.
Kabilang sa minomonitor ay ang mga pangunahing retailers, grocery stores, wet markets at maging ang mga sari-sari stores.
Samantala, nagkaroon ng pagkaantala sa mga kargamento mula Cebu patungong Tacloban City dahil kailangan ang mga itong dumaan sa alternatibong ruta na may kalayuan mula Cebu City patungong Calbayog City, Samar.
- Latest

















