4 kaso ng hinihinalang Mpox, minomonitor sa Cebu City
MANILA, Philippines — Apat na kaso ng pinaghihinalaang Mpox (Monkeypox) na sakit ang kasalukuyang minomonitor ng mga health officials sa lungsod ng Cebu.
Ito ang inianunsyo nitong Lunes ni Cebu City Mayor Raymund Alvin Garcia pero nilinaw na ang nasabing mga kaso ay sumasailalim pa sa masusing beripikasyon.
Sinabi ni Garcia na bagaman may mga sintomas ang pasyente ay hinihintay pa nila ang kumpirmadong resulta mula sa pagsusuri ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM).
Inihayag ni Garcia na kasalukuyang “isolated” na sa ospital ang apat na pasyenteng hinihinalang dinapuan ng Mpox.
Umapela naman ang alkalde sa mga residente ng lungsod na huwag magpanik at manatiling kalmado kaugnay sa moni-monitor na mga kaso ng Mpox.
“These are still suspected cases, not confirmed. There are four, and they are now isolated and have already been contact-traced,” saad ng mayor.
Hindi rin aniya kailangang magpatupad ng mandatory face mask sa Cebu City dahil hindi naman airborne ang Mpox at nakakahawa lamang ito dahil sa “skin to skin contact, exposure sa taong positibo sa nasabing sakit, sa laway bunga ng paghalik at iba pa.
Samantala, kinumpirma ng Department of Health (DOH) Central Visayas ang anim na kumpirmadong kaso ng Mpox sa rehiyon mula Marso hanggang Abril.
Sa nabanggit na bilang, lima ang gumaling na habang isang pasyente ang nasawi. Naitala ang mga kaso sa Cebu City, Talisay City, Mandaue City at maging sa Lapu-Lapu City.
- Latest

















